Tuesday, May 26, 2026

Hiwalay na arrest warrant mula sa local court, hindi kailangan para ipatupad ang warrant ng ICC

Hindi kailangan ng hiwalay na warrant mula sa local court para ipatupad ang warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).

Ito ang binigyang-diin ng ilang mahistrado ng Korte Suprema sa pagbasura sa petisyon ni Senator Bato Dela Rosa para maglabas ng temporary restraining order o status quo ante order laban sa pagpapatupad ng arrest warrant ng ICC.

Sa magkakahiwalay na concurring opinions, sinabi ni Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa na hindi kailangang maglabas pa ng warrant ang korte sa Pilipinas dahil ang ICC judges na mismo ang may kapangyarihang magpasya kung may probable cause sa mga kasong sakop ng international tribunal.

Sinabi pa ni Caguioa na noong sumali ang Pilipinas sa Rome Statute ay kinilala nito ang proseso ng ICC sa pag-isyu ng mga warrant.

Para naman kay Senior Associate Justice Marvic Leonen may mga legal remedy pa rin si dela Rosa sakaling maaresto ito kabilang ang paghahain ng petisyon para sa habeas corpus.

Habang sinabi ni Associate Justice Rodil Zalameda na walang malinaw na karapatan si dela Rosa para bigyan ng agarang proteksyon ng Kataas-taasang Hukuman dahil may umiiral na batas sa Pilipinas na nagpapahintulot sa kooperasyon sa ICC.

Para naman kay Associate Justice Maria Filomena Singh, nabigo si dela Rosa na patunayan na may matinding pangangailangan para pigilan ng korte ang posibleng pagpapatupad ng ICC warrant.

Binigyang-diin pa ni Singh na walang sinumang opisyal ng gobyerno ang maaaring gumamit ng kanilang posisyon bilang panangga laban sa pananagutan.

Facebook Comments