Kabuuang detalye ng naging paggastos kaugnay sa pagtugon sa COVID-19 pandemic, pinapasapubliko ng isang mambabatas

Pinapasapubliko ni Anakalusugan Partylist Representative Ray Reyes sa Department of Health (DOH) at iba pang kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang kabuuang detalye ukol sa pondong inilaan at paggastos dito kaugnay sa pagtugon ng bansa sa COVID-19 pandemic mula March 2020 hanggang sa kasalukuyan.

Kasamang pinapasapubliko ni Reyes ang lahat ng paggastos alinsunod sa Bayanihan to Heal One Act at Bayanihan to Recover as One Act.

Hirit ito ni Reyes makaraang tuldukan na ng World Health Organization (WHO) ang pag-iral ng public health emergency of international concern dahil sa COVID-19.


Giit ni Reyes, ngayong “in full swing” na ang transition patungo sa “new normal” ay napapanahon ng pairalin ang pananagutan at pagiging transparent o pagiging bukas sa publiko.

Ayon kay Reyes, layunin nito na matiyak na nagamit ng mahusay at tama ang pera ng taumbayan mula sa simula hanggang sa pagtatapos ng pandemya.

Dagdag pa ni Reyes, pagkakataon din ito para matukoy ang mga magagaling na hakbang na naikasa laban sa COVID-19 na maaring patuloy na isagawa o ipatupad sa hinaharap kung kakailanganin.

Facebook Comments