Ipinakokonsidera ni dating Speaker at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano sa mga mambabatas sa Senado na maipasa ang bersyon nila para sa pagtatatag ng Department of Disaster Resilience o DDR.
Ginawa ng kongresista ang apela kaugnay pa rin sa mga kababayan sa Visayas at Mindanao na nasapul ng Bagyong Agaton at pinipilit na bumangon ngayon.
Umaasa ang mambabatas na magagawan ng paraan na mapagtibay sa Senado ang paglikha ng DDR sa nalalabing araw bago matapos ang 18th Congress.
Hiling ni Cayetano na hindi na sana hintayin ng Senado ang susunod na Kongreso dahil may sapat pa na session days para maaprubahan ang panukala at tuluyang maisabatas.
Kung hindi man aniya palarin ngayon na maipasa ang DDR ay inihirit ng kongresista na sana magkasundo ang mga mambabatas na kailangan natin ang nasabing departamento.
Giit ng kongresista, ang disaster response ng bansa ay hindi lamang dapat natatapos sa paghahatid ng relief goods kundi kasama na rito dapat ang rehabilitasyon ng mga nawasak na lugar dahil sa kalamidad.