
Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 50,727 na kaso ng dengue sa buong bansa mula Enero hanggang Mayo ng kasalukuyang taon.
Ayon sa DOH, mas mababa ito ng 56% o mahigit kalahati kung ikukumpara sa kaparehong panahon noong 2025 kung saan umabot sa 114,308 ang kaso ng dengue sa bansa.
Inihayag ng DOH na epektibo ang “community clean-up drive” at ang paglilinis sa bawat bahay sa pagpuksa ng pinangingitlogan ng mga lamok.
Kaugnay nito, pinapayuhan ng DOH ang publiko na magsuot ng mahabang pantalon, long sleeves, medyas, saradong sapatos, paggamit ng kulambo habang natutulog, at paggamit ng mosquito repellant.
At kapag nakaranas ng mga sintomas ng dengue, tulad ng lagnat, pantal, pagkahilo, pagsusuka, at pananakit ng katawan, kalamnan, at mga mata, agad na magpakonsulta sa doktor.










