KASO NG DENGUE SA REGION 1, UMAKYAT PA SA HIGIT WALONG DAAN

Pumalo na sa mahigit walong daan na bilang ng kaso ng dengue sa Ilocos Region.

Sa ibinahaging datos ng Department of Health – Center for Health Development 1, kabuuang 884 ang naitala mula sa January 1 hanggang nito lamang February 15, 2025.

Mas mataas ito ng isang daang porsyento kung ikukumpara sa bilang ng kaso noong nakaraang taon sa parehong panahon na mayroong 441 cases.

Pinakamataas na bilang ay mula sa Pangasinan na may 447, sinundan ng La Union na may kasong 176, Ilocos Sur sa 134 at Ilocos Norte na may 71 kaso, habang sa Dagupan City, naiulat din ang 56.

Kaugnay nito, mas pinaigting pa ng Kagawaran ng Kalusugan ang kanilang aksyon upang malabanan ang bantang dala ng dengue sa kalusugan ng bawat isa.

Nakiisa ang DOH Ilocos sa Nationwide Search and Destroy Breeding Sites Kick-off Event for Dengue Prevention and Control na Alas Kwatro Kontra Mosquito kahapon lamang kung saan sabay sabay na isinagawa ng mga nakiisang lokal na pamahalaan ang nasabing mga aksyon tulad na lamang ng 4S.

Iginiit ni DOH Ilocos Regional Director Dra. Paula Paz Sydiongco ang kahalagahan ng gampanin hindi lamang ng ahensya, maging ang bawat isa.

Samantala, pinapayuhan ang lahat na mainam ang pakikipagtulungan sa gobyerno upang maiwasan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng nasabing sakit sa rehiyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments