Thursday, August 20, 2026

Malacañang, tututukan mga lugar na may mataas na hunger rate

Tututukan ng Malacañang kung saang mga lugar pinakamataas ang bilang ng mga Pilipinong nakararanas ng gutom, kasunod ng resulta ng OCTA Research survey na 21% ang nagsabing nakaranas sila ng gutom sa ikalawang quarter ng 2026.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, aalamin ng pamahalaan ang detalye ng survey para matukoy ang mga lugar na higit na nangangailangan ng tulong.

Sinabi ni Castro na may nakikitang pagbuti sa kalagayan ng mga pamilyang naaabot ng Walang Gutom Program, batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations o SWS.

Lumabas sa SWS survey na nasa 600,000 pamilyang Pilipino na ang food-secured.

Gayunman, sinabi ni Castro na maaaring magkaiba ang resulta ng mga survey depende sa mga respondent at sa kanilang exposure sa mga programa ng pamahalaan, kabilang ang Walang Gutom.

Dahil dito, patuloy na palalakasin ng pamahalaan ang mga programa laban sa gutom upang mas maraming pamilyang nangangailangan ang maabot.

Target ng Department of Social Welfare and Development na mapagsilbihan ang 750,000 food-poor families para matugunan ang involuntary hunger sa bansa.

Facebook Comments