SOLAR-POWERED BARANGAY HALLS SA BUGALLON, NAGING ALTERNATIBONG MAPAGKUKUNAN NG KURYENTE SA GITNA NG 12-ORAS NA POWER INTERRUPTION

Napatunayan ang gamit ng solar power bilang alternatibong mapagkukunan ng kuryente matapos magsilbing charging stations ang 21 solar-powered barangay halls sa Bugallon, Pangasinan habang walang suplay ng kuryente sa buong bayan.

Nitong Agosto 16, nakaranas ang Bugallon ng 12-oras na scheduled power interruption, mula alas-6:30 ng umaga hanggang alas-6:30 ng gabi.

Sa halip na mawalan din ng mapagkukunan ng kuryente, nagamit ang solar-powered barangay halls upang makapag-charge ang mga residente ng cellphone, power bank at iba pang mahahalagang electronic devices.

May solar-powered barangay halls sa Angarian, Asinan, Banaga, Bacabac, Bolaoen, Buenlag, Cabayaoasan, Gueset, Hacienda, Laguit Centro, Laguit Padilla, Magtaking, Pantal, Poblacion, Polong, Portic, Salasa, Salomague Sur, Samat, San Francisco at Umanday.

Ang scheduled outage ay isinagawa para sa commissioning activities sa Labrador Substation at load shifting ng Labrador–San Carlos 69kV line.

Sa naturang sitwasyon, naging praktikal na gamit ng solar facilities ang pagbibigay ng pansamantalang access sa kuryente sa antas-barangay, partikular para sa mga communication device ng mga residente.

Bukod sa mga scheduled power interruption, maaari ring maging mahalaga ang ganitong pasilidad sa panahon ng kalamidad at emergency kung kailan posibleng maantala ang regular na suplay ng kuryente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments