Wednesday, August 19, 2026

Komprehensibong pagtugon sa kaligtasan ng mga paaralan, iginiit ng isang senador

COURTESY: City Government of Zamboanga/Facebook

Kinalampag ni Senator Mark Villar na kailangang magpatupad na agad ng mas komprehensibong pagtugon sa kaligtasan sa mga paaralan matapos ang nangyaring panibagong school shooting incident sa Ateneo de Zamboanga University Junior High School kung saan dalawang estudyante ang kumpirmadong nasawi.

Ayon kay Villar, hindi na dapat hintayin na may masaktan o masawi bago kumilos ang mga paaralan.

Mahalaga aniyang matukoy ng maaga ang mga posibleng banta, palakasin ang seguridad sa mga paaralan at tiyaking may sapat na gabay at suporta ang mga estudyante.

Dahil dito ay nanawagan si Villar sa mabilis na pagpapatibay sa Senate Bill 2321 o ang LIGTAS Act at Senate Bill 2133 o ang Student’s Guidance Counseling Act para matiyak ang kaligtasan at seguridad sa mga paaralan.

Sa LIGTAS Act ay pinatitibay ang sistema sa pagtukoy at paguulat ng mga banta, mas malapit na koordinasyon ng mga paaralan at mga law enforcement agencies, emergency response protocols, agarang pagbibigay-alam sa mga magulang, first-aid, regular na emergency drills at crisis counseling.

Habang ang Students’ Guidance Counseling Act naman ay palalakasin ang guidance at school-based mental health services at bibigyan din ng access ang mga mag-aaral sa mga qualified professionals, preventive programs, referral mechanisms, at angkop na intervention.

Facebook Comments