Target ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na matapos ngayong taon ang review at update sa flood control masterplan ng Metro Manila na unang sinimulan noong administrasyon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Sa Malacañang press briefing, nilinaw ni DPWH Secretary Vince Dizon na hindi ibig sabihin nito na maghihintay muna ang gobyerno bago kumilos.
Magsisimula na rin ang mga proyekto para mabawasan ang pagbaha.
Giit ni Dizon, dapat nakabatay sa siyensiya ang mga proyekto at may maayos na koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan.
Aniya, isa sa mga nakitang problema noon ang kakulangan sa koordinasyon ng DPWH at mga local government unit sa pagpapatupad ng flood control projects.
Noong 2024, sinabi ng dating DPWH Secretary Manuel Bonoan na nasa 30% pa lamang ang natatapos sa flood control masterplan.










