Alas-9:00 ngayong umaga ay aarangkada na ang pagtalakay ng House Committee on Appropriations sa panukalang pambansang budget para sa susunod na taon na nagkakahalaga ng ₱7.2 trillion.
Ayon kay Committee Chairperson Nueva Ecija Representative Mikaela Suansing, sisimulan ito sa pamamagitan ng briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) hinggil sa 2027 National Expenditure Program.
Binubuo ang DBCC ng Department of Budget and Management (DBM), Department of Economy, Planning and Development, Department of Finance (DOF) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Masusundan na ito ng pagbusisi sa nakalaang pondo ng bawat ahensiya o tanggapan ng gobyerno.
Ang 2027 NEP ay isinumite sa House of Representatives noong nakaraang linggo ng DBM sa pangunguna ni Budget Secretary Kim Robert de Leon.
Una nang inihayag ni Rep. Suansing na target nilang tapusin ang budget hearings hanggang September 8, upang maisalang na ito sa deliberasyon sa plenaryo at maipasa sa ikatlo at huling pagbasa sa October 9.










