
Pinangunahan ni Panngulong Bongbong Marcos Jr., ang pagbubukas ng 29th ASEAN Plus Three Summit kung saan pinag-usapan ang ilang mga hamon na kinakaharap ng mga bansang kabilang sa Southeast Asia.
Dumalo sa summit ang mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), China, Japan, at South Korea upang talakayin ang mga usaping may kinalaman sa kooperasyon at ugnayan ng mga bansa sa rehiyon.
Nabatid na sumentro ang usapin sa food at energy supply at ayon sa pangulo, kinakailangan ang kooperasyon ng bawat bansa para masiguro ang katatagan sa hinaharap sa gitna ng supply disruptions, financial uncertainty at mga kalamidad.
Sa opening statement ni Pangulong Marcos Jr., sinabi nitong maaaring makalikha ng epekto ang isang krisis sa buong Silangan at Timog-Silangang Asya na makikita sa pagsipa sa presyo ng bigas, pagmahal ng enerhiya, o pagkawala ng kita sa isang araw.
Aniya, sa pamamagitan ng pagbubuklod- buklod ay masisiguro ang seguridad para sa mga tao at malaking kumpyansa sa hinaharap.
Binigyang diin ng pangulo na malaki ang magagawa ng ASEAN Plus Three gayundin ang kooperasyon ng mga bansang kasapi sa ASEAN para sama- samang tumugon at umasiste sa mga bansang nangangailangan ng tulong.
Dagdag pa ng pangulo, dapat masigurong tuluy-tuloy ang suplay ng pagkain at enerhiya habang tuloy-tuloy rin ang pagtakbo ng mga negosyo sa gitna ng supply disruptions, financial uncertainty at mga kalamidad.










