
Nanindigan ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na buo ang kanilang suporta sa mga pulis na nagsagawa ng kanilang tungkulin kaugnay ng pag-aresto sa ilang indibidwal na umano’y lumabag sa batas habang nagsasagawa ng kilos-protesta kasabay ng ika-49 na ASEAN Summit.
Ayon kay NCRPO Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher Abrahano, buong suporta ang ibibigay sa mga pulis na kikilos nang naaayon sa batas, sa umiiral na police operational procedures at may mataas na antas ng propesyonalismo.
Iginiit niyang bagama’t ginagarantiyahan ng Konstitusyon ang karapatan sa mapayapang pagtitipon, hindi ito nagbibigay ng karapatang lumabag sa batas.
Nagbabala rin si Abrahano sa sinumang indibidwal o grupo na magtatangkang samantalahin ang ASEAN Summit upang magsagawa ng ilegal na gawain, manggulo, hadlangan ang security operations, o ilagay sa panganib ang kaligtasan ng publiko.
Aniya, ang sino mang lalabag sa batas ay aarestuhin at pananagutin alinsunod sa umiiral na ligal na proseso.
Kasabay nito, pinaalalahanan ng NCRPO chief ang lahat ng pulis na pairalin ang disiplina, propesyonalismo, maximum tolerance, paggalang sa karapatang pantao, at mahigpit na pagsunod sa tamang police procedures sa pagpapatupad ng batas.
Binigyang-diin din ni Abrahano na layunin ng NCRPO sa ASEAN Summit na hindi lamang tiyakin ang seguridad ng mga dayuhang delegado at mga venue, kundi maging ang pangangalaga sa karapatan, kaligtasan, at seguridad ng bawat mamamayan.
Tiniyak naman ng NCRPO na magpapatuloy ang kanilang mahigpit na pagpapatupad ng batas upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong panahon ng ASEAN Summit, habang isinusulong ang pananagutan, legalidad, at serbisyong publiko.










