
CAUAYAN CITY- Inilunsad ang makabagong solar powered water system sa New Public Market sa Quezon, Isabela ngayong araw, ika-18 ng Mayo na naglalayong magbigay ng tuloy-tuloy at maaasahang suplay ng tubig para sa mga vendor, manggagawa, at mga mamimili sa pampublikong pamilihan.
Sa pamamagitan ng paggamit ng solar energy at natural na pinagkukunan ng tubig, nabigyan ng alternatibong sistema ang palengke na hindi na umaasa sa regular na linya ng tubig na may kaakibat na buwanang bayarin.
Malaking ginhawa ito para sa mga nagtitinda at mga mamimili na araw-araw na gumagamit ng tubig para sa paglilinis, paghuhugas, at iba pang pangangailangan sa operasyon ng pamilihan. Bukod sa pagiging praktikal, inaasahan ding magiging mas matipid at pangmatagalan ang benepisyo ng proyekto para sa komunidad.
Ang proyekto ay itinuturing na isa pang hakbang patungo sa mas malinis, mas matalino, at mas sustainable para sa lahat ng residente ng Quezon, Isabela at maging sa mga bisitang bumibisita sa bayan.










