
CAUAYAN CITY- Wala ng buhay ng matagpuan ang katawan ng isang lalaki matapos nitong magbigti sa Brgy. Labinab, Cauayan City noong ika-17 ng Mayo.
Kinilala ang biktima na si alyas โGilbertoโ, 23- anyos at residente ng Purok 1 Brgy. Labinab, Cauayan City.
Batay sa ulat, nagkaroon umano ng inuman ang biktima kasama ang kaniyang pinsan at tatlo pang indibidwal sa isang kubo. Habang nag-iinuman ay naibahagi umano ng biktima ang kaniyang pinagdaraanan, kabilang ang problema sa hiwalayan nila ng kaniyang kasintahan.
Matapos ang inuman ay umuwi na ang mga kasama nito at naiwan umanong mag-isa si alyas โGilbertoโ sa kubo. Subalit nang balikan siya ng kaniyang pinsan, nadiskubre na lamang itong nakabitin sa isang sanga ng puno.
Agad namang pinutol ng pinsan ng biktima ang lubid na nakapulupot sa leeg nito at humingi ng tulong sa mga residente ng barangay.Gayunpaman, wala na umanong buhay ang biktima nang madatnan ito.
Ayon pa sa ulat, bago naganap ang insidente ay nakapagbahagi pa umano ng mensahe ang biktima sa kaniyang Facebook account kung saan nagpasalamat ito sa kaniyang pinsan sa pagiging karamay nito.
Dinala naman sa Cauayan District Hospital ang labi ng biktima para sa kaukulang assessment at agad ding ipinaalam sa pamilya ang nangyari.
Facebook Comments










