Lalaki, Patay Matapos Manlaban sa Drug Buybust Operation ng PNP Cauayan City!

444

Cauayan City, Isabela- Kasalukuyang nasa punerarya ang bangkay ng isang lalaki na namatay matapos di umano’y manlaban sa ikinasang drug buybust operation ng otoridad sa Brgy. Cabaruan, Cauayan City, Isabela.


Nakilala ang suspek na si Michael Talal alyas Dondon, 39 anyos, may-asawa at residente ng Brgy. Guayabal, Cauayan City, Isabela.

Sa nakalap na impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, bagamat nasa ilalim ng General Community Quarantine ang probinsya ng Isabela ay nakapagsagawa pa rin ng drug buybust operation ang PNP Cauayan City laban sa naturang suspek.

Una rito, nabentahan ng suspek ng dalawang (2) sachet ng hinihinalang shabu ang isang police poseur buyer ngunit natunugan ng suspek na pulis pala ang nabentahan nito kaya’t agad umanong binunot ang nakasukbit na baril sa kanyang beywang subalit bago pa nito maiputok ay naunahan na ito ng pulis.

Nabaril ng dalawang beses sa kaliwang bahagi ng dibdib at kilay ang biktima na dahilan ng kanyang agarang kamatayan.

Itinanggi naman ng ama ng suspek na sangkot sa pagbebenta ng illegal na droga  ang kanyang anak dahil tumutulong lamang aniya ito sa kanyang amo sa pagbili ng mga kalabaw.

Naulila ng suspek ang kanyang asawa at dalawang anak.




Facebook Comments