
Tinutugis na ng Quezon City Police District (QCPD) ang lalaking nag-viral sa pambu-bugbog sa dati nitong live-in partner.
Ayon sa QCPD, ang pinaghahanap pa ring suspek ay kinilalang si Joel Tan, 50 anyos, residente ng Brgy. Bahay Toro, Project 8, Quezon City.
Hawak na ngayon ng QCPD ang kopya ng nangyaring pananakit bandang alas-12:09 ng tanghali kahapon sa loob ng isang boutique.
Sa kuha ng video na kumakalat na sa social media, pumasok ang suspek na dating kinakasama ng biktima at pisikal na inatake ang 34-anyos na babaeng may-ari ng establisyento bago mabilis na tumakas palayo sa lugar.
Inihahanda na ngayon ng mga QCPD Station 15 ang kasong paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Act laban kay Tan.
Ayon kay QCPD Director PBGen. Randy Glenn Silvio, mariing kinondena ng QCPD ang anumang uri ng karahasan laban sa kababaihan at tiniyak na hahabulin ang suspek hanggang sa mapanagot ito.
Nanawagan sila sa publiko na magbigay-impormasyon sa pinakamalapit na estasyon ng pulisya o tumawag sa 911 at QC helpline 122.










