
Iginiit ni Senator Rodante Marcoleta na imbento at panggigipit lamang ang reklamong plunder at bribery laban sa kanya kaugnay ng P75-million campaign donations.
Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Marcoleta na ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya ay kaugnay ng pagpapatuloy ng imbestigasyon sa flood control projects, gayundin ng nalalapit na impeachment trial at lumalaking pressure umano para isuko ng Senado ang independensya nito.
Binigyang-diin ni Marcoleta na hindi legal ang mga akusasyon laban sa kanya at isa lamang itong uri ng intimidasyon at babala sa bawat senador.
Kung ang layunin umano ng mga reklamo ay patahimikin siya, iginiit ng senador na hindi ito mangyayari.
Tiniyak din ni Marcoleta na sasagutin niya ang mga paratang mula sa Office of the Ombudsman sa tamang forum.
Dagdag pa ng senador, lalahok siya sa impeachment proceedings nang may konsensya at patuloy na itutulak ang imbestigasyon sa flood control anomalies nang may tapang, katarungan, at determinasyon.










