Aabot sa 3.02 bilyong pisong pondo ang inilabas ng Land Bank of the Philippines bilang tulong sa mga magsasaka at mangingisda sa bansa na apektado ng COVID-19 pandemic.
Ito ay sa ilalim ng Agricultural Competitiveness Enhancement Fund (ACEF) lending program at sa pakikipagtulungan na rin ng Department of Agriculture (DA) .
Ayon kay Landbank President and CEO Cecilia C. Borromeo, maaaring gamitin ng mga magsasaka ang pondo para makabili ng mga kinakailangang gamit pansaka at binhing itatanim tungo sa pag-unlad ng kanilang hanap-buhay.
Sa ilalim ng ACEF lending program, mayroon lamang 2 percent kada taon ang matatanggap na interest rate ng mga mangungutang.
Sa ngayon, nakapaglabas na ang Landbank ng kabuuang 2.5 bilyong piso sa 19,367 kwalipikadong miyembro nito na binubuo ng 19,189 Small Farmers and Fishers (SFFS), 119 Micro and Small Enterprises (MSES), at 59 Farmers and Fisherfolk Cooperatives/Associations.