Monday, September 7, 2026

Leptospirosis, itinuturing ng epidemya sa lungsod ng Maynila

Inihayag ng lokal na pamahalaan na itinuturing ng epidemya ang pagdami ng kaso ng leptospirosis sa lungsod ng Maynila.

Ito’y matapos lumagpas sa epidemiologic threshold ang mga naitalang bagong kaso ng naturang sakit.

Sa ulat na ipiansa ni Manila OIC-City Health Officer Dr. Grace Padilla kay Manila City Mayor Isko Moreno ngayong Lunes ng umaga, sinabi nito na nasa “epidemic condition” na ang pagkalat ng leptospirosis.

Batay sa datos ng Manila Health Department (MHD), mula sa 1.27% attack rate noong nakaraang linggo, pumalo na ito ngayon sa 3.48% na indikasyon ng mabilis na pagtaas ng kaso sa loob ng maikling panahon.

Dagdag pa ni Dr. Padilla, nasa full capacity na ang ilang city government district hospitals, kabilang ang Ospital ng Maynila, Sta. Ana Hospital at Justice Jose Abad Santos General Hospital dahil sa patuloy na pagdami ng mga pasyente.

Kaugnay nito, inatasan ni Yorme Isko ang mga ahensya ng pamahalaang lungsod na paigtingin ang patuloy na isinasagawang kampanya kontra leptospirosis.

Kabilang dito ang agresibong public information campaign upang maipaalam na mayroong libreng doxycycline capsules sa lahat ng 44 health center at 7 district hospital sa ilalim ng Pamahalaang Lungsod.

Paliwanag ng alkalde, mas maigi nang mismong ang Manila LGU, sa pamamagitan ng MHD at 896 barangay ang pumunta sa taumbayan upang mamahagi ng doxycycline sa mga naapektuhan ng pagbaha sa mga nakaraang linggo upang maiwasan na tumaas pa ang kaso nito.

Facebook Comments