
Naglabas ng panibagong pahayag si Vice President Sara Duterte at iginiit niya ang umano’y pattern ng political harassment laban sa kanya at sa kanyang pamilya.
Sa kanyang pahayag, binanggit ni Duterte ang sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na aware ang DILG kung nasaan ang bise presidente noong gabi bago ito isyuhan ng arrest warrant pero hindi nila ito inaresto.
Ayon sa bise presidente, tila pinatutunayan umano nito ang matagal nang surveillance operations ng Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensiya ng pamahalaan laban sa kanya.
Iginiit din niya na kung alam umano ng mga awtoridad ang kanyang kinaroroonan, wala umanong dahilan para puntahan pa ang kanyang ina at mga anak.
Aniya, layunin lamang umano nito na takutin at sindakin ang kanyang pamilya.
Sinabi rin ni Duterte na mas nararapat gamitin ang pondo ng pamahalaan sa paglaban sa krimen at pagpapanatili ng seguridad ng mamamayan kaysa sa umano’y surveillance laban sa isang nakaupong bise presidente.
Bukod dito, inulit niya ang kanyang posisyon na wala siyang tiwala sa mga pulis na magsisilbing kustodiya sa kanya, at inakusahan ang administrasyon ng umano’y pangha-harass sa kanya at sa iba pang sibilyan.
Sa ngayon, wala pang opisyal na tugon ang DILG, ang Philippine National Police, at Malacañang kaugnay sa mga pahayag ni Vice President Sara Duterte.










