Naglunsad ang lokal na pamahalaan ng Bayambang ng isang information campaign kung saan hinihikayat ang mga mamamayan na magtipid sa konsumo ng kuryente at iba pang gastusin sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at enerhiya.
Ayon sa inilabas na abiso, patuloy ang pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel na direktang nakaapekto sa halaga ng pagkain at kuryente. Dahil dito, binibigyang-diin ng pamahalaan ang kahalagahan ng pagiging matipid at matalino sa paggamit ng mga resources sa araw-araw.
Bilang gabay sa mga pamilya, inilatag ang “6 Family Rules” na maaaring sundin upang mapababa ang konsumo sa kuryente kabilang dito ang pag-iwas sa paggamit ng appliances sa tinatawag na “mahal na oras” mula ala-1 ng hapon hanggang alas-9 ng gabi kung kailan mataas ang demand sa kuryente.
Inirerekomenda rin ang sabayang pagluluto at pagbawas sa madalas na pagbukas ng refrigerator upang makatipid sa LPG at kuryente.
Pinayuhan din ang publiko na bunutin sa saksakan ang mga appliances na hindi ginagamit upang maiwasan ang tuloy-tuloy na konsumo ng kuryente.
Samantala, iminungkahi ang paggamit ng aircon sa 25°C kasabay ng electric fan upang mas maging episyente ang pagpapalamig ng silid.
Dagdag pa rito, mahalaga rin ang regular na paglilinis ng aircon at fan filters kada dalawang linggo upang mapanatiling mababa ang konsumo ng kuryente.
Hinihikayat din ang mga pamilya na magsama-sama sa iisang kwarto sa oras ng matinding init upang mabawasan ang paggamit ng maraming appliances.
Hinikayat naman ang publiko na simulan agad ang mga simpleng hakbang na ito upang makamit ang mas matipid at mas maayos na pamumuhay. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










