LIBRENG CERVICAL CANCER SCREENING, INILUNSAD SA DAGUPAN CITY; MGA KABABAIHAN, HINIHIKAYAT NA MAGPASURI

Pinalalawak ng lokal na pamahalaan ng Dagupan City ang serbisyong pangkalusugan para sa mga kababaihan sa pamamagitan ng paglulunsad ng libreng Cervical Cancer Screening Program.

Isinagawa ang programa nitong Nobyembre 6 sa pangunguna ng City Health Office.

Pangunahing target ng programa ang mga kababaihang may edad 30 hanggang 65 taong gulang upang mabigyan sila ng pagkakataong makapagpasuri at matukoy sa maagang yugto ang posibleng pagkakaroon ng cervical cancer.

Ginamit sa libreng screening ang Visual Inspection with Acetic Acid o VIA, isang pamamaraan para matukoy ang mga posibleng pagbabago sa cervix.

Bukod dito, nagbigay rin ng breast examination, health education at counseling upang higit na mapalawak ang kaalaman ng mga kababaihan tungkol sa pangangalaga sa kanilang kalusugan.
Mahalaga umano ang regular at maagang pagpapasuri upang agad na matukoy ang posibleng sakit at mabigyan ng angkop na pangangalaga ang mga nangangailangan nito.

Kaugnay nito, hinihikayat ang mga kababaihang nais sumailalim sa libreng cervical cancer screening na magtungo sa City Health Office ng Dagupan City upang magpalista at makakuha ng karagdagang impormasyon tungkol sa programa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments