Arestado ng pinagsanib na puwersa ng pulisya ang isang 69-anyos na lalaki na kabilang sa Top 2 Most Wanted Person sa provincial level ng Biliran Police Provincial Office at Top 1 sa municipal level ng Kawayan, Biliran.
Isinagawa ang pag-aresto dakong alas-12:00 ng tanghali noong Nobyembre 25, 2026 sa Barangay Poblacion, Bugallon, Pangasinan, sa bisa ng warrant of arrest.
Nahaharap ang suspek sa apat na bilang ng kasong sexual abuse sa ilalim ng Section 5(b), Article III ng Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, na may kabuuang inilaang piyansang ₱800,000.
Pinangunahan ng Bugallon Municipal Police Station ang operasyon, katuwang ang mga kapulisan mula sa Biliran Police Provincial Office, Tarlac at iba pang intelligence at police units mula sa Region 1 at Region 8.
Matapos ang pag-aresto, isinailalim sa kustodiya ng Kawayan Municipal Police Station sa Biliran ang suspek para sa kaukulang disposisyon at pagharap sa mga kasong kinakaharap nito. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







