MAHIGIT 1,800 MAG-AARAL SA ASINGAN, TARGET MABAKUNAHAN LABAN SA IBA’T IBANG SAKIT; BAKUNA ESKWELA 2026, PAIIGTINGIN

Target mabakunahan ang 1,836 na mag-aaral sa bayan ng Asingan, Pangasinan, bilang bahagi ng Bakuna Eskwela 2026 na naglalayong maprotektahan ang mga bata laban sa iba’t ibang sakit.
Kabilang dito ang tigdas, rubella, tetanus, diphtheria at human papillomavirus o HPV.

Batay sa datos ng Municipal Health Office, kabilang sa mga target na mabakunahan ang 639 na mag-aaral sa Grade 1, 251 sa Grade 4, 221 sa Grade 5 at 725 sa Grade 7.

Nakalaang bigyan ng measles-rubella at tetanus-diphtheria vaccines ang mga mag-aaral sa Grade 1 at Grade 7.

Samantala, target namang mabigyan ng HPV vaccine ang mga babaeng mag-aaral sa Grade 4 at Grade 5.

Mula Nobyembre 9 hanggang 17, nakatakdang magtungo ang mga health worker sa iba pang pampublikong paaralan sa bayan upang ipagpatuloy ang pagbabakuna.

Hinihikayat naman ang mga magulang na makipag-ugnayan sa mga paaralan at health worker upang matiyak na mabibigyan ng kinakailangang bakuna ang kanilang mga anak. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments