Iniimbestigahan ng Dagupan City Police ang umano’y pagnanakaw ng mga underground electrical wires sa expansion road ng isang pribadong sementeryo sa Barangay Tapuac, Dagupan City, madaling-araw noong Nobyembre 25, 2026.
Batay sa paunang imbestigasyon, nahuli umano ng isang security guard ang isang 40-anyos na lalaki na may dalang bag na naglalaman ng iba’t ibang electrical wires na hinihinalang kinuha sa nasabing lugar.
Nadiskubre ang insidente matapos magkaroon ng power interruption sa barracks ng mga guwardiya at makita ang naputol na underground electrical wire malapit sa perimeter wall na katabi ng isang Restobar.
Iniwan umano ng nagreklamong guwardiya ang suspek sa pangangalaga ng tatlo nitong kapwa security guard habanghumihingi ng tulong sa pulisya. Subalit pagbalik nito ay nakatakas na ang lalaki.
Dahil dito, nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga awtoridad upang matunton at maaresto ang suspek na residente ng Lingayen, Pangasinan at dating security personnel ng pribadong sementeryo.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang buong pangyayari at mapanagot ang sinumang mapatutunayang sangkot sa insidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







