
Umapela si Senator Raffy Tulfo sa Department of Labor and Employment (DOLE) na bigyan ng makabuluhang trabaho ang mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD.
Tinukoy ni Tulfo na bukod sa panay palitrato lamang ang benepisyaryo ng programa, ang karaniwang nabibigyan ng TUPAD ay tauhan o malakas kay mayor o sa barangay captain at hindi lamang isang beses kundi paulit-ulit pang nabibigyan ang mga ito ng ayuda.
Giit ng senador sa DOLE, ibigay na lamang ang pagwawalis sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at bigyan ng ibang programa ang benepisyaryo tulad ng pagsali sa tree planting at pagpipintura ng mga paaralan.
Bukod dito, pinamo-monitor din ni Tulfo sa ahensya kung talagang nagtatrabaho ang mga TUPAD workers.
Sinabi naman ni DOLE Usec. Benedicto Ernesto Bitonio na inamyendahan nila ang kanilang guidelines upang maging mas makabuluhan at may social value ang kanilang mga gagawin.
Dagdag pa ng DOLE, magsusumite rin sila ng accomplishment report ng TUPAD sa Senate Committee on Labor.










