LSI, tuloy pa rin ang pagdagsa sa Libingan ng mga Bayani sa lungsod ng Taguig

Kahit umuulan, patuloy pa rin ang pagdagsa ng mga Locally Stranded Individual (LSI) sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) sa lungsod ng Taguig.

Sa ngayon, mayroong 20 LSI na nasa labas ng LNMB at umaasang maihahatid sila sa kani-kanilang mga probinsya sa pamamagitan ng Hatid Tulong initiative program ng pamahalaan.

Sinasabi nila na noong isang linggo pa sila nagtungo sa LNMB, dahil may nakapagsabi sa kanila na sa LNMB dinadala ang mga LSI.


Ang iba naman ay nakapagpalista na para sa Hatid Tulong initiative program.

Kaya naman sila nananatili sa labas ng LNMB dahil wala pa silang health certificate o clearance.

Tanging trapal ang kanilang panangga sa ulan at karton naman ang kanilang ginamit na sapin.

Kahapon, mayroon nang mahigit 400 LSI na nasa Libingan ng mga Bayani ang naiuwi na sa Region 8, Region 9, Region 11 at Region 13 sa pamamagitan ng Hatid Tulong initiative program.

Facebook Comments