
Tiniyak ng National Food Authority (NFA) ang kalidad ng mga bigas na naka-imbak sa kanilang mga bodega sa gitna n pagsisimula ng tag-init.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni NFA Administrator Larry Lacson, na may ipinatutupad silang sistema kada buwan kung saan isinasailalim sa test sa laboratoryo ang mga bigas para mapanatili ang suplay at kalidad habang nasa bodega.
Agad aniyang isinasailalim sa “fumigation” o proseso ng pag-disinfect ang mga bigas kapag nakitaan ng “infestation” ng mga peste para masigurong ligtas pa ring kainin ng publiko.
Sa ngayon, matumal pa rin aniya ang distribusyon ng bigas ng NFA at kakaunti pa lang ang nababawas mula sa 150,000-metric tons na target ibenta sa mga local government unit, sa kabila ng ipinatupad na “food security emergency.”
Posibleng dahilan nito ay ang kakulangan ng pondo ng mga lokal na pamahalaan at hindi pa aprubadong resolusyon mula sa kanya-kanyang sanggunian.
Bukod sa mga lungsod ng San Juan, Navotas, at Camarines Sur, nakikipag-ugnayan na rin aniya sa NFA ang lokal na pamahalaan ng Cotabato at Bacolod para sa pagbili ng bigas.
Nilinaw naman ni Lacson na malabo nang maibaba pa ang ₱35-per kilong bentahan ng NFA rice dahil malaki na ang sinagot na subsidiya ng gobyerno para maibenta ito ng mura sa publiko.