
Tumaas ng 6.47% ang naitalang produksyon ng gatas sa unang quarter ng 2026.
Patunay umano nito ng ambag ng milk industry sa pagpapalakas ng food security.
Ito ang pahayag ng National Dairy Authority (NDA) kasunod ng report nainilabas ng Philippine Statistics Authority na tumaas sa 11.79 milyong litro ang lokal na produksyon sa unang kwarter ng 2026, mas mataas ng halos 7-percent mula sa 11.07 milyong litro noong 2025.
Lumago rin ang halaga ng gatas 6.5% sa constant 2018 prices at 10.3% sa current prices.
Ayon kay NDA Administrator Atty. Marcus Antonius Andaya, bunga ito ng tumataas na productivity ng mga dairy farmer at ng mas pinaigting na programa sa farm level.
Inaasahan na rin ang pagdating ng mga imported dairy animal para palakasin ang breeding base, kasabay ng pagpapalawak ng milk feeding program ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng sagip saka act.
Sa nabanggit ding report ng Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas ang per capita milk consumption mula 17.16 litro hanggang 19.53 litro, habang nasa 2.10% pa lamang ang milk sufficiency level noong Marso.
Dahil sa magandang development na ito, target ng NDA ang 53 milyong litro na produksyon at maitaas sa 2.33% ang milk sufficiency sa buong 2026.









