Maayos na serbisyo ng EDSA carousel, ipinanawagan ng iba’t ibang sektor

Nagkaisa ang iba’t ibang organisasyon at sektor sa panawagan na pabilisin ang transpormasyon at ibang paraan upang maging madali, ligtas at komportable para sa mamamayang may kapansanan ang kanilang paggamit ng serbisyo ng EDSA carousel.

Ayon kay Ka Rommel “Bulagkaster” San Pascual, tagapagsalita ng Partnership for Inclusion Accessibility and Safety in EDSA o PIASE, hindi maayos ang sistema ng EDSA carousel para sa may kapansanan, senior citizens, mga buntis at mga magulang na may akay na bata.

Dahil ito sa kasalatan ng pasilidad tulad ng accessible ramps, elevators, toilet at angkop na waiting area.

Aniya, minadali ito noong pandemya nang walang konsultasyon sa karampatang sektor tulad ng ordinaryong mananakay.

Marami rin ang naapektuhang kompanya ng bus, sampu ng kanilang driver at kondoktor at iba pang mga tauhan ang nawalan ng hanapbuhay.

Bukod dyan, maraming mananakay o commuter ang lalong nahirapan sa putol-putol o paglipat-lipat ng biyahe at imbes na base fare ang kanilang binabayaran ay mas mahal ang bayad nila sa pamasahe.

Kaya naman, hinihikayat ng PIASE ang pamahalaan na pabilisin ang pagsasakatuparan ng mga hakbang para maisaayos ang EDSA carousel upang maging masigla at inklusibo ang pananakay ng mas maraming pasahero kabilang na ang mga may kapansanan.

Ngayong araw ay nagsasagawa ang PIASE ng citizens audit sa EDSA busway sa bahagi ng Quezon City upang maitaas ang kamalayan ng publiko sa mga hamong kinakaharap ng mga taong may kapansanan, senior citizens, buntis at mga manlalakbay.

Facebook Comments