Tuesday, May 19, 2026

Detalyadong timeline sa naganap na shooting incident sa Senado, inilabas ng mga awtoridad; sasakyang umano’y ginamit sa paglabas ni Sen. Dela Rosa, nakarehistro kay Sen. Padilla

Matapos ang anim na araw ng imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP), Department of Justice (DOJ), at Department of the Interior and Local Government (DILG), inilatag sa Malacañang ang detalyadong timeline at mga CCTV footage kaugnay ng nangyaring gun-related incident sa Senado noong Mayo 13.

Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, malinaw umano sa mga ebidensiya at CCTV footage na hindi inatake o nilusob ng National Bureau of Investigation (NBI) ang Senado para arestuhin si Senador Ronald dela Rosa.

Giit niya, walang dalang tactical gear, breaching equipment, shields, o assault devices ang mga tauhan ng NBI nang magtungo sa lugar.

Sa mga inilabas na video, makikita naman umano na nakasuot ng full battle gear ang mga tauhan ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms sa pamumuno ni retired Police Major General Mao Aplasca bago ang naganap na putukan.

Sinabi rin ni Remulla na nagbigay umano si Aplasca ng “lock-and-load” order bago ang insidente.

Ipinaliwanag din ng DILG na ilang pinto sa bahagi ng Government Service Insurance System (GSIS) ang isinara at pinatibay bilang pag-iingat sa posibleng kaguluhan kaugnay ng pananatili ni Dela Rosa sa Senado.

Ayon kay Remulla, naabisuhan umano rito ang Senate maintenance management.

Kabilang din sa inilatag na timeline ng DILG at PNP ang sasakyang posibleng ginamit umano sa paglabas ni dela Rosa mula sa Senate protective custody noong madaling araw ng Mayo 14.

Ayon sa PNP at DILG, ang sasakyang may plakang “DAV 1225” ay nakarehistro umano kay Senador Robin Padilla.

Kinumpirma rin ni Remulla na naipaabot na kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ulat tungkol sa insidente, ngunit wala pa umanong ibinibigay na direktiba ang pangulo.

Isinumite na rin ang mga nakalap na ebidensiya sa DOJ.

Facebook Comments