
Pinag-aaralan pa ng pamahalaan kung tatanggapin ang alok ng Asian Development Bank o ADB na $1.75 billion dollar financing assistance para makatulong sa pagtugon sa epekto ng tensyon sa Middle East sa ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, Department of Finance (DOF) ang magsusuri sa alok ng ADB, kabilang ang terms and conditions nito, upang matiyak na naaayon ito sa fiscal at debt management objectives ng gobyerno.
Sinabi rin ni Castro na malaking tulong ang naturang financing assistance upang mabawasan ang posibleng epekto ng sigalot sa Middle East sa ekonomiya ng Pilipinas.
Dagdag pa niya, ipinapakita rin ng alok ng ADB ang tiwala ng mga development partner sa kakayahan ng pamahalaan na harapin ang mga pandaigdigang hamon.










