Wednesday, April 15, 2026

Maging compassionate at i-exercise ang common sense, iniutos sa mga kapulisan at tauhan ng barangay sa implementasyon ng Safer Cities initiatives

“Maging compassionate at i-exercise ang common sense.”

Ito ang naging paalala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Police Major General Anthony Aberin sa mga kapulisan at tauhan ng barangay kaugnay sa implementasyon ng Safer Cities initiatives.

Binigyang-diin ni Aberin na dapat isaalang-alang ng mga awtoridad ang sitwasyon ng mga mamamayan, lalo na sa mga pagkakataong walang malinaw na paglabag sa batas.

Bilang halimbawa, inilahad niya ang insidente sa Mandaluyong City kung saan isang lalaki ang nakita na walang suot na pang-itaas na damit habang naghahalo ng semento sa harap ng kanilang bahay. Ayon sa kanya, kung ito ay kaugnay ng trabaho at nasa loob lamang ng kanilang lugar, dapat itong bigyan ng babala sa halip na agad na parusahan.

Dagdag pa ni Aberin, mahalagang pairalin ng mga operatiba ang paggalang sa karapatang pantao, pagsunod sa police operational procedures, at maximum tolerance sa pagpapatupad ng mga operasyon.

Gayunman, nilinaw niya na kung paulit-ulit na binibigyan ng babala ngunit patuloy pa rin ang hindi pagsunod, kinakailangan na itong aksyunan nang naaayon sa batas.

Facebook Comments