Pinag-iingat ang mga motorista at komyuter sa inaasahang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa kahabaan ng Binalonan-Laoac-Manaoag Highway sa Biyernes, Nobyembre 27, 2026, simula alas-6:00 ng umaga, kaugnay ng isasagawang parada ng Lokal na Pamahalaan ng Laoac bilang bahagi ng pagdiriwang ng Children’s Month.
Ayon sa inilabas na abiso ng pamahalaang bayan, inaasahang magdudulot ng pansamantalang pagkaantala sa daloy ng mga sasakyan ang aktibidad. Dahil dito, pinapayuhan ang mga motorista na gumamit ng mga alternatibong ruta upang maiwasan ang matinding pagsisikip ng trapiko.
Para sa mga biyahero mula Maynila patungong Manaoag at pabalik, inirerekomendang gamitin ang Urdaneta-Manaoag Road. Samantala, ang mga manggagaling sa hilagang bahagi patungong Manaoag at pabalik ay pinapayuhang dumaan sa Manaoag-Pozorrubio Road.
Magpapatupad din ng alternatibong daloy ng trapiko para sa mga light vehicle.
Para sa mga biyaheng Binalonan patungong Manaoag, kinakailangang kumanan sa Elarco Street sa Barangay Balligi, kumaliwa patungong Barangay Botigue at Barangay Cabulalaan, at muling kumanan sa highway intersection sa Barangay Calaoagan.
Samantala, para sa mga biyaheng Manaoag patungong Binalonan, kinakailangang kumaliwa sa highway intersection sa Barangay Calaoagan, dumaan sa Barangay Cabulalaan, kumanan sa Elarco Street sa Barangay Botigue, at kumaliwa sa highway intersection sa Barangay Balligig.
Layunin ng naturang aktibidad na bigyang-pansin ang mga karapatan, kapakanan at pangkalahatang kagalingan ng mga bata bilang bahagi ng pagdiriwang ng Children’s Month 2026. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








