Umaasa ang ilang motorista sa Pangasinan sa posibleng pagbaba ng presyo ng gasolina ng hanggang ₱14 kada litro.
Bukod sa gasolina, posible rin na magmura ang produktong diesel at kerosene.
Ayon sa ilang motorista, malaki ang maitutulong ng posibleng tapyas sa presyo ng mga naturang produkto lalo sa patuloy na nararanasang pagbabago sa presyo ng mga bilihin at gastusin.
Dagdag nila, kung magtutuloy tuloy ang nasabing pagbaba sa presyo ay posibleng makabawi rin ang mga pampublikong sasakyan tulad ng mga jeepney driver sa kanilang kitaan araw-araw.
Ayon kay Department of Energy (DOE) Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, kabilang umano sa mga nakaaapekto sa pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ang resulta ng midterm elections sa Estados Unidos, na nagdulot ng pagbabago sa inaasahang direksiyon ng mga polisiya ng administrasyon ni US President Donald Trump.
Nakatulong din umano sa paghupa ng pangamba sa posibleng pagkaantala ng suplay ng langis ang mga inaasahang pagwawakas ng sigalot sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Gayunman, nilinaw na maaaring hindi magtagal ang pagbaba ng presyo ng langis kung hindi ito masusuportahan ng aktuwal na pagbangon ng suplay sa pandaigdigang merkado.
Nananatili namang paunang pagtataya ang mga naturang halaga at maaari pang magbago depende sa galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado bago ipatupad ang opisyal na price adjustment. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







