Wednesday, July 1, 2026

Malacañang, binara ang ‘poor governance’ na tirada ni VP Sara

Ibinalik ng Malacañang sa administrasyong Duterte ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na “poor governance” ang pamamahala ng administrasyong Marcos dahil gumagamit umano ito ng justice system laban sa mga kritiko.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, kung pag-uusapan ang mahinang pamamahala, dapat kwestyunin kung bakit hindi naimbestigahan noon ang mga isyung matagal nang ibinabato laban sa ilang flood control projects.

Ang mga kasong lumalabas ngayon ay bunga aniya ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na busisiin ang mga kuwestiyonableng proyekto, kabilang ang mga ipinatupad sa ilalim ng Build, Build, Build program.

Dagdag pa ni Castro, noong 2018 pa lamang aniya ay kinuwestiyon na ni dating Congressman Rodante Marcoleta ang umano’y ghost flood control projects, ngunit walang naging imbestigasyon sa mga ito.

Iginiit ng Palasyo na ang pagsasagawa ng imbestigasyon at pagpapanagot sa mga sangkot sa umano’y anomalya ay patunay ng good governance, taliwas sa paratang ng bise presidente.

Facebook Comments