
Arestado ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang isang 28 taong gulang na miyembro ng Philippine Army matapos nitong walang habas na nagpaputok ng baril sa Claveria, Cagayan nitong June 28.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, kinilala ang naaresto na si alyas “Bugoy” na umano’y nagtungo sa bahay ng kanyang brother-in-law sa Claveria, Cagayan kung saan makailang ulit nya itong hinamon para lumabas para makipag-away.
Nang wala umanong sumasagot sa kanya ay nagpaputok umano ito ng ilang beses bago ito umalis patungong Abulug, Cagayan.
Narekober ng mga imbestigador sa lugar ang mga basyo ng bala mula sa 2 baril.
Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang otoridad kung saan naaresto ang nasabing suspek na nagtatago sa loob ng isang compound sa Barangay Centro 8, Claveria.
Nakuha sa kanya ang isang M16 rifle, isang .22 caliber rifle na may scope, isang .45 caliber na baril, mga magasin , mga bala, patalim, mission order, Armed Forces of the Philippines Identification Card (AFP ID), Philippine Army Uniform, war belt, bandolier, sling bag at ang sasakyan na ginamit ng suspek para makatakas.
Ang mga nasabing ebidensya ay inimbentaryo sa presensya ng mga opisyal ng barangay bago dalhin ang nasabing suspek sa pulisya para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang mga kaso.










