Thursday, June 25, 2026

Insidente ng pamamaril at pananaksak sa loob ng ilang paaralan sa bansa, pinapa-imbestigahan sa Kamara

Pinapa-imbestigahan ni House Committee on Public Order and Safety Chairman at Manila 2nd District Representative Rolando Valeriano sa kaukulang komite sa Kamara ang insidente ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City at magkahiwalay na insidente ng pananaksak sa loob ng dalawang paaralan sa Cavite.

Nakasaad sa inihaing House Resolution No. 1146 ni Valeriano na target ng gagawing imbestigasyon ng Kamara na madetermina kung ano ang pagkukulang ng mga paaralan, lokal na pamahalaan at mga ahensiya ng gobyerno kaya nangyayari ang karahasan sa loob ng mga eskwelahan.

Sa ngayon ay kabilang sa mga nakitang pagkukulang ni Valeriano ay ang kawalan ng full-time security personnel sa mga paaralan, sira-sirang bakod na madaling akyatin at pasukin, kawalan ng kakayahan ng mga guro at guidance counselors na mapansin ang senyales at kahina-hinalang mga kilos.

Pinuna rin ni Valeriano ang hindi nararapat na relasyon sa pagitan ng mga guro at estudyante gayundin ang kawalan ng kaalaman ng mga guro at school personnel sa pagbibigay ng first-aid sa mga biktima ng pananaksak o binaril.

Ayon kay Valeriano, layunin ng pagdinig na makabuo ng panukalang batas na magpapalakas sa seguridad sa mga paaralan, magkakaloob ng epektibong guidance services, mental health programs, at mga hakbang na hahadlang sa karahasan sa mga estudyante at guro.

Facebook Comments