Thursday, April 16, 2026

Manila Department of Social Welfare, pinaiimbestigahan ang pagharang sa fire volunteers na rumeresponde sa sunog

Nagpatulong na ang Manila Department of Social Welfare (MDSW) sa Manila Police District (MPD) upang imbestigahan at matukoy ang isang lalaki na umano’y humarang sa kanilang mga fire volunteer.

Nangyari ang insidente sa kasagsagan ng pagresponde sa sunog sa isang residential area sa Brgy. 121, Tondo, Maynila kagabi.

Sa ibinahaging video ni MDSW Director Jay Reyes Dela Fuente, makikita umano ang komosyon sa isang makitid na kalsada habang dumaraan ang mga responder. Sinasabing hindi agad pinadaan ang volunteer team sa gitna ng kanilang emergency response.

Bukod dito, nagpakilala rin umano ang lalaki bilang pulis habang nakikipagtalo sa mga fire volunteers.

Muling iginiit ni Dela Fuente ang kahalagahan ng pagbibigay-daan sa lahat ng emergency vehicles at responders, lalo na sa oras ng sunog, upang maiwasan ang paglala ng insidente.

Kaugnay nito, nais ng pamunuan ng MDSW na mapanagot ang lalaking sangkot sa insidente, at ipinaalam na rin ang pangyayari sa Office of the Mayor.

Facebook Comments