
Nasa kabuuang 75, 492 violators ang naitala ng Philippine National Police (PNP) sa walong araw na operasyon ng Safer Cities Initiatives sa buong Metro Manila.
Ang nasabing tala ay mula noong April 6 hanggang April 13.
Ayon sa pulisya, pinakamataas pa rin talaga ang mga nahuhuli dahil sa pagiinom ng alak sa pampublikong lugar.
Sinundan ito ng pagiikot ng walang suot na pantaas na damit, mga menor de edad na lumalabag sa curfew hours, at ang pagkakaraoke ng lagpas ng 10 ng gabi.
Kaugnay nito, sa April 3 lang na datos nasa higit 7,000 ang naitala ng PNP kung saan ang halos 4,000 rito ay binigyan ng warning at nirelease, higit 2,000 naman ang pinagmulta, at 141 ang chinarge depende sa kanilang ginawang paglabag.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., mas nagiging aware ang publiko dahil sa patuloy na pagpapaalala ng mga otoridad patungkol sa nasabing mga ordinansa kung saan kapag sumusunod ang lahat, mas maayos, at mas nagiging ligtas ang mga lansangan.










