
Paghahanap ng mas murang pagkukunan ng pagkain at enerhiya ang pangunahing layunin ng bagong trade deal ng Pilipinas at United States, sa gitna ng mataas na presyo ng langis at mga bilihin.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kailangang palawakin ng bansa ang mga pinagkukunan ng suplay upang hindi umasa sa iilang supplier at maiwasan ang kakulangan kapag nagkaroon ng krisis sa pandaigdigang kalakalan.
Kabilang sa target ng Pilipinas ang mas malaking pag-angkat ng trigo at soybeans mula sa Amerika bilang alternatibo sa suplay mula sa Russia at Ukraine.
Ipinaliwanag ng pangulo na nakaaapekto sa presyo ng pagkain ang pagtaas ng presyo ng langis kaya mahalagang makahanap din ng mas murang pagkukunan ng enerhiya.
Nagsimula ang mas malawak na pag-uusap sa kalakalan matapos ang planong pagpapataw ng US ng taripa sa mga produktong Pilipino.
Sa pulong nina Marcos at US President Donald Trump sa Malacañang, napag-usapan ang pagbubukas ng merkado ng Amerika para sa mga produktong agrikultural at enerhiya ng Pilipinas.
Ayon sa pangulo, sinimulan na ng mga kalihim ng dalawang bansa ang pagtalakay sa mga detalye ng kasunduan upang maisapinal ito sa lalong madaling panahon.










