Sunday, November 22, 2026

Bureau of Immigration, nagkasa ng raid sa isang scam hub sa Pasay City; 18 dayuhan, arestado

Labing-walong dayuhan ang inaresto ng Bureau of Immigration matapos salakayin ang isang scam hub sa Pasay City, kung saan narekober ng mga awtoridad ang backdrop ng isang istasyon ng pulisya sa Japan, mga uniporme ng pulis, pekeng police badge, at mga scam script.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na sangkot ang grupo sa isang “parcel scam” kung saan nagpapanggap silang mga Japanese police sa pamamagitan ng video call.

Gumagawa umano ng kuwento ang mga suspek na sangkot sa ilegal na droga at money laundering ang parcel ng biktima upang takutin ito at piliting maglipat ng pera.

Patuloy nang inaalam ng Bureau of Immigration ang pagkakakilanlan at papel sa operasyon ng sindikatong nasa likod ng 18 suspek.

Tinutukoy na rin kung posibleng konektado sa sinalakay na parcel scam hub noong November 3 ang mga nahuling Vietnamese, Indonesian, at iba pang foreign national na may kaparehong modus sa isang condominium sa Pasay City.

Facebook Comments