Sunday, November 22, 2026

9 na paliparan at ilang railway projects, isasailalim sa Public-Private Partnership bago matapos ang termino ni Pangulong Marcos, ayon sa DOTr

Nakatakdang ipasok ng pamahalaan sa Public-Private Partnership (PPP) ang siyam na paliparan at tatlong malalaking proyekto sa tren bago magtapos ang panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Inilatag ni Transportation Secretary Vince Dizon ang nasabing plano sa idinaos na 11th Pilipinas Conference ng Stratbase Institute.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), mauunang isasalang sa magkakasamang PPP ang mga paliparan sa Davao, Siargao, at Bicol, na target na mai-award sa unang tatlong buwan ng 2027.

Susunod namang isasailalim sa PPP ang Iloilo Airport sa unang anim na buwan ng taon, gayundin ang mga paliparan sa Bacolod, Puerto Princesa, Busuanga, General Santos, at Tacloban.

Kasabay nito, puspusan na rin ang paghahanda ng kagawaran para sa pagsasapribado ng LRT-2 at MRT-3 sa susunod na taon.

Gayundin, isasailalim din sa PPP ang automated fare collection system sa mga pangunahing linya ng tren, na nakatakdang simulan ang procurement sa unang bahagi ng 2027.

Binigyang-diin ni Dizon na pangunahing hangarin ng hakbang na ito na iangat ang kalidad ng serbisyo at gawing mas maginhawa ang biyahe ng mga Pilipinong komyuter at dayuhang bisita.

Dagdag pa ng kalihim, itinuturing ng Pangulo ang mga proyekto sa ilalim ng PPP bilang isa sa pinakamahahalagang pamana ng kasalukuyang administrasyon sa sektor ng transportasyon.

Facebook Comments