Hinimok ni Senate President Chiz Escudero ang Philippine Consulate at iba pang opisyal ng Embahada ng Pilipinas sa Canada na tiyaking mabibigyan ng tulong ang mga kababayang biktima ng pag-atake sa Vancouver.

Sa gitna kasi ng pagdiriwang ng Lapu Lapu Festival ng Filipino community doon ay bigla na lamang silang inararo ng isang sasakyan na ikinasawi ng siyam na katao.

Nanawagan si Escudero sa mga Konsulado at Embahada na ibigay ang lahat ng tulong na kailangan ng mga biktima at mga naiwang pamilya ng mga nasawi at gawan ng paraan na hindi na maulit ang insidenteng ito sa hinaharap.

Kinalampag ni Escudero ang pagbibigay katarungan sa mga may sala at posibleng kasabwat sa trahedya.

Binigyang-diin ng Senate President na walang puwang sa mundo ang mga karumal-dumal na krimen at umaasa siyang gagawin ng Canadian law enforcement agencies ang lahat para maisilbi ang hustisya sa mga kababayang biktima.

Facebook Comments