Walang matatanggap na pension differential ang mga Philippine National Police (PNP) pensioner kung hindi updated ang kanilang mga record.
Ito ang sinabi ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar kasabay ng panawagan sa mga pensioner na hindi pa naka-update ng kanilang mga record na makipag-ugnayan sa PNP Retirement and Benefits Administration Service (PRBS).
Aniya, kwalipikadong tumanggap ng 2018 pension differential ang 87,657 PNP pensioners, kung saan 58,973 ang nakatanggap na nito.
Naaantala aniya ang pag-release ng mga pension differential ng ilang retiree dahil sa mga correction na kailangang gawin sa database ng PRBS.
Ayon kay PRBS Director, Police Brigadier General Sidney Hernia, 92,215 PNP pensioners ang nakalista sa kanilang database as of January 2021, kung saan 10,815 na unaccounted PNP pensioners ang inilagay sa “tag and hold” status.
Sinabi naman ni PNP Director for Comptrollership, Police Major General Rodolfo S. Azurin Jr., dahil sa hindi updated ang ilang mga account, hindi maproseso ng Department of Budget and Management (DBM) ang kabuuang kailangang bayarang differential sa mga pensioner.