Thursday, September 24, 2026

Mga programa para sa kaligtasan sa mga paaralan, dapat tiyakin na mapopondohan

Umapela si Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan sa mga kasamahang mambabatas na agad ipasa ang panukalang magpapalakas at titiyak na may pondo ang mga programa ng Department of Education (DepEd) para sa kaligtasan sa mga paaralan.

Ito ay ang House Bill 10864 o panukalang Comprehensive School Safety Act na layuning bumuo ng National Comprehensive School Safety Framework na kapapalooban ng pamantayan para sa school safety plans sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa bansa.

Kasabay nito ay nanawagan naman si Yamsuan sa mga lokal na pamahalaan na gamitin ang bahagi ng pondong nakalaan sa Special Education Fund (SEF) para matugunan ang problema sa seguradad ng mga pampublikong paaralan sa mga komunidad na kanilang nasasakupan.

Ang nabanggit na mga panawagan ni Yamsuan ay kasunod ng nangyaring pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato kung saan tatlong estudyante ang nasawi at may mga nasugatan.

Ayon kay Yamsuan, ang nabanggit na insidente ay pangsyam na sa mga naitatalang karahasan sa mga paaralan sa loob lamang ng tatlong buwan.

Facebook Comments