
Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na tuloy-tuloy ang tulong na kanilang ibibigay sa mga naapektuhan ng shooting incident sa Banga National High School sa South Cotabato.
Kasabay nito, nagpadala na ng intervention team ang education department na magbibigay ng psychological first-aid at iba pang mental health support sa mga mag-aaral, pamilya at mga kawani ng paaralan na apektado ng insidente.
Kasabay nito, nanawagan din ang kagawaran sa publiko na maging responsable sa pagbabahagi ng impormasyon at iwasang magpakalat ng mga hindi beripikadong ulat o mga sensitibong larawan at video na maaaring lalo pang makadagdag sa trauma ng mga biktima.
Iginiit naman ng DepEd ang kanilang patuloy na pangako na palakasin ang kaligtasan at seguridad sa mga paaralan sa buong bansa.
Una rito, labis na ikinalulungkot ng DepEd ang nangyari at mariing kinokondena ang naturang marahas na insidente.
Nagpaabot din ang kagawaran ng pakikiramay sa mga biktima, kanilang mga pamilya, at sa buong komunidad ng paaralan.
Sa kasalukuyan, nasa lugar na ang mga opisyal ng DepEd upang tulungan ang mga naapektuhan at nakikipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad at law enforcement para sa masusing imbestigasyon sa pangyayari.










