
Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) ang insidente ng sadyang pagbangga ng barko ng China Coast Guard (CCG) sa barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, nangyari ito sa layong 54 nautical miles lamang mula sa Palawan kaninang pasado alas-11:00 ng umaga.
Sinadya umanong banggain ng CCG vessel ang BRP Datu Magat Salamat na naghatid ng supply ng krudo sa mga Pilipinong mangingisda.
Dahil sa insidente, nasira ang bahagi ng starboard ng barko at nayupi naman ang ilang bahagi nito.
Matapos ang insidente, nakuha pang gumawa ng delikadong pagmaneobra ng naturang barko ng China.
Sa ngayon, ipinag-utos na ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gavan ang pag-deployng mga assets para tulungan ang mga sakay ng binanggang barko.










