Mga pulis, umangal sa ₱235 per day na COVID-19 hazard pay

Nagrereklamo ngayon ang mga pulis na nakatalaga sa frontline dahil sa COVID-19 dahil sa 235 pesos lang na ibinigay sa kanila bilang COVID-19 hazard pay.

Sa social media accounts ng mga pulis, kanilang inihayag ang sama ng loob dahil malinaw ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na lahat ng mga Frontliners ay may 500 pesos per day na hazard pay.

Dagdag pa ng mga nagrereklamong pulis na lahat ng ibang law enforcement agencies gaya ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Fire Protection (BFP) na kasama nila sa mga checkpoint ay tig-500 pesos ang ibinigay sa kanila.


Sa Fiscal Directive 2020-11 na pirmado ni Police Brigadier General Marni Marcos ng Directorate for Comptrollership, napagdesisyunan na 235 pesos lang ang kayang ibigay ng Philippine National Police (PNP) bilang hazard pay.

Aniya pa, resulta ito ng kanilang konsultasyon sa kanilang Chief Accountant na sa ngayon ito lang ang kaya ng pondo ng PNP.

Nangako ang pamunuan ng PNP na sila ay maglalabas ng pahayag at paglilinaw kaugnay sa isyu.

Facebook Comments