
Inihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi na oobligahin na maglagay ng GPS o Global Positioning System ang mga pampublikong sasakyan na kasali sa service contracting program.
Sinabi ito ni LTFRB chief legal Atty. Raul Austria sa pagdinig ng Deca-Tri Committee o Legislative Energy Action and Development (LEAD) council na layuning humanap ng solusyon sa epekto ng pangdaigdigang krisis sa langis.
Ayon kay Austria, sa halip na GPS ay QR code na lang ang ilalagay sa Public Utility Vehicles (PUV) na kasama sa programa tulad ng jeep, pampasaherong bus, at iba pa.
Dagdag pa ni Austria, mayroon ding mga tauhan ng LTFRB na magbabantay para masiguro na pumapasada sila.
Una rito ay nadismaya si House committee on transportation chairman at Quezon City Rep. Franz Pumaren dahil hindi masagot ni LTFRB Board Member Isagani Victorino ang mga tanong ukol sa GPS na aniya’y dagdag gastos lang sa mga operators at drivers ng PUVs.










